Mamuhay ayon sa Nais ng Panginoon
- Apr 18, 2020
- 3 min read
Pamumuhay sa Panahon ng Krisis.

"Bilang isang bilanggo dahil sa paglilingkod sa Panginoon, hinihiling kong Mamuhay kayo nang karapat-dapat bilang mga tinawag ng Dios. Maging mahinahon kayo, mapagpakumbaba, maunawain at mapagpaumanhin sa mga pagkukulang ng bawat isa bilang pagpapakita ng pag-ibig ninyo. Pagsikapan ninyong mapanatili ang pagkakaisa nʼyo mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng mapayapa ninyong pagsasamahan."
[Efeso 4:1-3]
Noong nagpunta ako sa Coron, Palawan upang magsagawa ng "magnetic survey" sa lugar, nakita ko ang isang puno na nasa larawan. Sa unang tingin ko'y naawa ako, sapagkat ang karamihan sa bahagi ng puno ay tupok ng apoy at ito ay bahagyang nakabagsak na. Animo'y di na mabubuhay dahil sa tindi ng pagkakasunog sa ilang bahagi nito at pagkaka-angat sa kanyang ugat. Marahil ang pangyayaring ito sa puno ay bunga ng gawa ng mga tao, at tulad nito, sa kabila ng kanyang naranasan siya ay dahan-dahang namukadkad muli ng mga dahon. Buong ganap niyang ginampanan ang kanyang layunin ng may kahinahunan, kapakumbabaan, kaunawaan at pagpapaumanhin sa lahat ng nagdulot sa kanyang sinapit. Marahil masasabi nating puno lang ito, ngunit ang lahat ay may kwento sa kabila ng kanilang pinapakitang ganda sa ngayon.
Sa panahon ngayon, marami ang nahihirapan, marami ang nagugutom, marami ang nasasaktan at higit sa lahat marami ang nakakaramdam ng kalungkutan. Ang karamihan ay sumasabay na lang sa agos ng mga nangyayari, na halos tila nakalimutan na nila na tayo ay namumuhay hindi dahil sa ating mga sarili, kundi dahil sa ating Panginoon. Dahil dito, lalo pang nadaragdagan ang kanilang nararanasan at humahantong sa pagpili ng mga bagay na salungat sa pamumuhay na nais nang Diyos na dapat nating ipamuhay.
Ngayon, ating aralin ang Apat na Bagay na dapat nating tandaan sa pamumuhay na ayon sa nais ng Panginoon.
“Maging Mahinahon”
"Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, PUMANATAG LAMANG KAYO." [Exodo 14:14]
Kung tayo ay naipit sa kalagitnaan ng napakaraming pagsubok at mabibigat na krisis, ang sabi ng kasulatan, maging mahinahon.
Maging mahinahon, dahil alam natin na ang Panginoon ang gagawa ng daan at magbibigay sa atin ng paraan upang malagpasan natin ang lahat ng pagsubok.
Magtiwala lamang tayo sa Kanya. Siya ang magtatanggol sa atin. Pumanatag lang tayo.
“Maging Mapagpakumbaba”
"ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbaba, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain." [2 Cronica 7:14]
Walang magagawa ang taong mapagmataas. Ang mapagmataas na tao ay laban sa Diyos.
"Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, 'Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.'" [Santiago 4:6]
Sa pagpapakumbaba natin mararanasan ang Panginoon. Sa pamamagitan din nito maririnig natin at mararamdaman ang pagkilos Niya sa ating buhay.
"Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo." [Santiago 4:10]
“Maging Maunawain”
"Give me understanding, so that I may keep your law and obey it with all my heart."
[Psalm 119:34]
Ang pagkamaunawain ay nanggagaling lamang sa Kanya. Kung tayo ay magiging maunawain, ating isinasabuhay ang kanyang mga Salita.
Maging maunawain tayo sa lahat ng pagkakataon at laging suriin kung ang ating gagawin, kung ito ay karapat-dapat sa Kanyang paningin.
"Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan." [Filipos 4:8-9]
Kapag ginawa lang natin ang mga bagay nang may malawak na pang-unawa, kahit na anong kaguluhan at krisis, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.
“Maging Mapagpaumanhin”
"kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit." [Mateo 6:14]
Ang pagpapatawad/ pagpapaumanhin ang huli sa mga bagay na dapat nating tandaan. Ang pagpapaumanhin sa mga pagkakamali o pagkukulang ng ating kapwa ay isang susi na dapat nating taglayin.
Ito ang nagsisimula ng lahat ng pagpapala, kapayapaan ng isip at puso, at kagalingan sa ating espirito.
"Magpasensiya kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon." [Colosas 3:13]
Pagtatapos:
"Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago." [2 Corinto 5:17]
Tayo’y nakipag-isa na kay Kristo Hesus. Tayo ay bagong nilalang na.
Huwag nating hayaan na ang daloy ng panahon sa sistema ng mundong ito ang magdikta ng pamumuhay natin sa daigdig.
Mamuhay tayo ayon sa buhay na nais ng ating Panginoon.



Comments